Color coding scheme, suspendido pa rin sa NCR sa ilalim ng Alert level 3

(File photo)

Nananatiling suspendido pa rin ang color coding o number coding scheme sa National Capital Region (NCR) kahit pa nasa ilalim na ng Alert Level 3, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos.

“I’m talking of the public network, iyong mga buses natin, mass transport, mga LRT ‘no. So habang inaayos po iyan, hanggang maaari po sana ay sinususpinde muna namin ang color coding,” pahayag ni Abalos.

Ipinaliwanag ni Abalos na mas mabuti ito sa gitna ng pandemya para makaiwas sa siksikan sa mga pampublikong sasakyan.

“Sapagka’t isipin mo kung isa lang ang kotse mo, saan ka sasakay? Sasakay ka sa dyip, sasakay ka sa bus, sasakay sa MRT, at baka magkasiksikan lalo ‘no. So iniisip namin, sige na lang payagan na lang natin,” paliwanag pa ni Abalos.

“At pangalawa, iyan kasing sasakyan mo, personal bubble mo iyan e, kung nandiyan ka parati, you feel safe, etc. Siyempre kung ito ay pagbabawalan natin, iyong ibang may sasakyan, makikiangkas, hindi ba? So ito’y pagtulong na rin tungkol dito sa impeksyon,” dagdag pa ni Abalos.

Tiniyak naman ni Abalos na araw-araw ay mino-monitor ng MMDA ang trapiko sa Metro Manila.

“Mga peak hours, medyo sabihin na nating nagbabago na, talagang dumadami na ang sasakyan dito,” saad pa ng MMDA chair.

Sa ngayon aniya, sa kanilang pag-aaral ay kaya pa naman nilang kontrolin ang mga sasakyan kahit suspendido ang color coding.

“So, sana maunawaan ninyo. But stay tuned, huwag kayong mag-alala, MMDA parati po naming mino-monitor…lalo na iyong mga lugar na masisikip ay talagang binabantayan po namin iyan. Just stay tuned po at we will constantly monitor the traffic in Metro Manila,” pahayag pa ni Abalos.

(Toni Tambong)

The post Color coding scheme, suspendido pa rin sa NCR sa ilalim ng Alert level 3 appeared first on News Patrol.



Color coding scheme, suspendido pa rin sa NCR sa ilalim ng Alert level 3
Source: Trending Filipino News

Post a Comment

0 Comments