DRILON: PHARMALLY CORP, KUMITA NG P393-M MULA SA KONTRATA SA GOBYERNO NOONG 2020

Kumita nang aabot sa P393-M ang Pharmally Pharmaceutical Corp. mula sa kontrata sa gobyerno.

Ito ay para sa supply ng mga face mask at face shield  mula noong April hanggang June 2020, ayon kay  Senate Minority Leader Franklin Drilon.

“Ang tubo ng Pharmally dito sa government transaction ay P393 million. Ito po’y sales lamang mula nung April hanggang June of 2020,” sabi pa ni Drilon sa interview ng ABS-CBN Teleradyo ngayong Lunes, September 6.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee ang kontrobersyal na pagbili sa mga di  umano’y “overpriced” na personal protective equipment (PPE), face masks at face shields.

Ang  Department of Budget and Management-Procurement Service ang bumili ng mga naturang gamit para sa Department of Health.

Nakuha ng Pharmally Pharmaceutical Corp.  ang kontrata sa gobyerno na nagkakahalaga ng P8.6 billion noong 2020 kahit pa ilang buwan pa lang ang kumpanya at may kapital lamang na P625,000.

Iginiit naman ni Drilon na kailangan ding tingnan at silipin ang tax records at kung may tax liabilities din ang Pharmally.

Ayon pa kay senator Drilon, base umano sa mga nakuhang record, ang Pharmally ay isang domestic corporation na sakop ng probisyon ng Section 27 ng Tax Code.

“Mukhang hindi naman manufacturing ito kundi trading, so wala pong manufacturing cost ito, puro binili lang nila ito sa isang supplier sa Tsina at binenta dito sa atin,” giit pa ni senador Drilon.

“Ang tanong, nagbayad ba sila ng 12 percent na value added tax? Nagbayad ba sila ng income taxes dito sa kanilang tubo na umaabot sa aming bilang na mahigit sa P393 million na tubo sa 2020,”dagdag pa ni Drilon.

 

The post DRILON: PHARMALLY CORP, KUMITA NG P393-M MULA SA KONTRATA SA GOBYERNO NOONG 2020 appeared first on News Patrol.


Source: News Patrol PH

Post a Comment

0 Comments