Hindi pabor ang World Health Organization (WHO) at Department of Health (DOH) sa tinatawag na ‘Bakuna Bubble’.
Ayon kay WHO country representative Dr. Rabindra Abeyasinghe, ang “bakuna bubble” ay hindi nakasisiguro na ligtas sa COVID-19 ang mga bakunado.
Sa nasabing panukala, may pribilehiyo ang mga bakunadong indibidwal na makapasok sa mga establisimyento at transportasyon.
“The bubble wouldn’t hold. It would burst so we don’t advocate for vaccine bubbles at this point in time,” ayon kay WHO country representative Dr. Rabindra Abeyasinghe.
Ang konsepto aniya ng “bubble” para sa mga taong nabakunahan ay hindi totoong makapipigil sa pagkakaroon ng impeksyon dahil magpapatuloy lamang sa peligro na mahawahan.
Sa halip, kailangan umanong palakasin ang pagbabakuna ng mga nakatatanda at mga taong may comorbidity kaysa magpatupad ng “bakuna bubble’.
Hindi rin pabor ang DOH sa “bakuna bubble.
Naniniwala si Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire na magkakaroon pa rin ng dine-in sa mga kainan na isa sa ipinagbabawal lalo na’t may banta pa ng Delta variant na mas nakahahawa at nakamamatay.
Ang panukalang “bakuna bubble” ay una nang pinaboran ng mga negosyante.
Si National Task Force against COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr. ay bukas din sa ideyang ito ng pagkakaroon ng “bakuna bubble.”
(Jocelyn Domenden)
The post “BAKUNA BUBBLE,” TINUTULAN NG WHO AT DOH appeared first on News Patrol.
Source: News Patrol PH
0 Comments