NUISANCE CANDIDATES, POSIBLENG PAGMULTAHIN NA SA SUSUNOD NA HALALAN

Tapos na ang maliligayang araw ng mga nuisance candidate o ang mga panggulong kandidato sa panahon ng halalan.

Ito ay kapag ganap nang naging batas ang inaprubahang House Bill 9557 o An Act Providing An Efficient Procedure For Declaring A Nuisance Candidate na nagtatakda ng mas mahigpit at mabigat na parusa laban sa mga pampagulong kandidato.

Sa pamamagitan ng botong 191 sa isinagawang plenary session ay inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang HB 9557 na ang layunin ay mapanatili ang integridad ng proseso ng eleksyyon sa bansa.

Layunin din ng panukala na patuloy na maproteksyunan ang halalan at maitaguyod ang kasagraduhan ng pagpili at pagboto sa mga uupong pinuno ng bansa na isa sa mahalagang yugto ng demokrasya sa bansa.

Kung sakaling mapatunayan na ang isang kandidato ay nagtataglay ng “ substantial malice and bad faith,” ay binibigyan ng mandato ang Commission on Elections na magpataw sa nuisance candidate ng multang P100,000 at sa mga binanggit na sangkot sa isang verified petition.

Nangangahulugan na ang mga sangkot dito, na nabanggit sa petisyon ay maituturing na kasangkot na posibleng nagtulak at humikayat sa nuisance candidate na maghain ng kaniyang kandidatura.

Ang isang nuisance candidate na magpapatuloy sa kampanya ay papapanagutin at parurusahan.

Batay sa isinasaad ng Omnibus Election Code, ang isang nuisance candidate ay yaong mga naghain ng certificate of candidacy upang gawing katawa-tawa ang eleksyon o itinuring na isa lamang ito biro na maaaring magdulot ng kalituhan sa mga botante.

Kasama na rito ang mga nagtataglay ng mga kaparehong pangalan ng mga lehitimong kandidato na ang layunin ay hiyain, biruin at lituhin ang botante at walang intensyong seryosohin ang kandidatura.

Iginiit  ni Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento, pangunahing may-akda sa panukala na ang pagkandidato ay hindi dapat gawing biro kaya dapat lamang maparusahan ang sinumang magtatangkang gawing biro.

(Toni Tambong)

The post NUISANCE CANDIDATES, POSIBLENG PAGMULTAHIN NA SA SUSUNOD NA HALALAN appeared first on News Patrol.


Source: News Patrol PH

Post a Comment

0 Comments