BOQ: Mga biyaherong mula sa mga bansang may Omicron, walang sintomas ng COVID-19

Wala pang naitatalang sintomas ng Covid-19 ang halos lahat ng mga biyaherong pumasok sa Pilipinas galing sa mga bansang may naitalang kaso ng Omicron variant, ayon sa Bureau of Quarantine nitong Linggo, December 5.

Ilan sa mga bansang pinanggalingan ng mga nasabing biyahero ay ang South Africa, Burkina Faso at Egypt.

Sa kasalukuyan ay nakasailalim pa sa quarantine  ang mga biyahero.

“Lahat naman po wala namang nagpapakita ng sintomas. Nakikipag-coordinate tayo sa central office natin sa Department of Health (DOH) at Department of the Interior and Local Government (DILG) para masigurado na mabantayan itong mga tao, mga kababayan natin na nandito na sa Pilipinas,” ayon kay BOQ Deputy Director Roberto Salvador Jr. sa panayam sa dzBB.

Nitong Biyernes, nakapagtala ang DOH ng 253 biyahero mula sa South Africa, tatlo galing sa Burkina Faso at 541 mula Egypt na dumating sa bansa mula November 15 hanggang 29.

Tatlo sa kanila ang nagpositibo sa COVID-19.

Samantala, hinihintay pa ng Malakanyang ang resulta ng genome sequencing sa mga nakuhang sample galing sa tatlong biyaherong positibo upang matukoy kung Omicron variant ang dala nila.

Unang natuklasan sa South Africa at itinuturing na variant of concern ng World Health Organization (WHO).

Subalit iginiit ni BOQ Deputy Dir. Salvador na wala umanong dapat ipag-alala ukol sa mga biyahero na nakasailalim sa 14-day mandatory quarantine alinsunod sa utos ng Inter-Agency Task Force (IATF).

“Wala pong dapat ikatakot ang publiko. Kailangan po kasi nilang tapusin ‘yung 14 days na mandatory quarantine bago makabalik dito sa community nila,” sabi pa niya.

Ayon pa kay Salvador, tumutulong ang DILG sa pagbabantay sa mga biyahero na nakauwi na sa kani-kanilang lugar at probinsya.

(Toni Tambong)

The post BOQ: Mga biyaherong mula sa mga bansang may Omicron, walang sintomas ng COVID-19 appeared first on News Patrol.



BOQ: Mga biyaherong mula sa mga bansang may Omicron, walang sintomas ng COVID-19
Source: Trending Filipino News

Post a Comment

0 Comments