17 parak sa binansagang “Bloody Sunday Raids”, kinasuhan ng murder

(Photo credit: Bayan Muna)

Kasong murder ang kahaharapin ng 17 pulis sa nangyaring “Bloody Sunday” raids na ikinamatay ni labor leader Emmanuel Asuncion at walong iba pa.

Miyerkoles nang kumprimahin ng Department of Justice (DOJ) na kinasuhan ng Administrative Order 35 special investigating team ng murder ang 17 pulis sa ikinasang preliminary investigation.

Base sa inilabas na subpoena ng Dasmariñas City Prosecutor, mayorya ng mga pulis ay mula sa Calabarzon Regional Office.

Kabilang dito sina:

– PLt. Elbert Santos
– PLt. Shay Jed Sapitula
– PSMS. Hector Cardinales
– PMSg. Ariel Dela Cruz
– PSSg. Joemark Sajul
– PCpl. Ernie Ambuyoc
– PCpl. Mark John Defiesta
– PCpl. Arjay Garcia
– PCpl. Caidar Dimacangun
– PCpl. Bryan Sanchez
– PCpl. Ericson Lucido
– Pat. Jayson Maala
– Pat. Juanito Plite
– Pat. Jonathan Tatel
– Pat. Prince Benjamin Torres
– Pat. Jaime Turingan
– Pat. Lopera Rey Dacara

 

Pinahaharap ang mga ito sa prosecutor’s office sa Enero 11 at 25 para sa preliminary probe at pagsusumite ng kanilang counter-affidavits.

Nov. 22 ang petsang nakalagay sa subpoena pero nito lang Miyerkoles, Dec. 1, inilabas DOJ sa media.

Matatandaang si Asuncion, miyembro ng progressive group Bagong Alyansang Makabayan sa Cavite, ay kabilang siya sa siyam na aktibistang magkakasunod na pinatay noong Marso ng taong kasalukuyan sa magkakasunod na operasyon sa Batangas, Cavite, Laguna, at Rizal.

Kabilang din sa nasawi sina Michael Dasigao at Mark Lee Bacasno ng urban poor group SIKADD-Montalban, mag-asawang Ana Marie at Ariel Evangelista ng UMALPAS-KA sa Batangas, magpinsang Dumagat leaders Puroy at Randy dela Cruz mula Tanay, Rizal, at mga magsasakang sina Abner at Edward Esto mula Teresa, Rizal.

Ikinalugod naman ng ilang makakaliwang grupo ang desisyon ng DOJ na kasuhan ng murder ang mga sangkot sa nasabing raids.

Ayon kay Bayan Muna chairperson Neri Colmenares, ang naging hakbang ng DOJ ay isang maliit na tagumpay para sa isyu ng karapatang pantao sa bansa.

Gayunman, hindi nagtatapos sa pagkakaso ng murder sa mga pulis ang sa “bloody Sunday raids” dahil marami pang ibang kaso kung saan may napatay ding mga aktibista, human rights workers at labor leaders ang nakabimbin pa rin sa mga korte.

“We welcome the filing of murder charges versus law enforcement agents involved in the death of labor leader Manny Asuncion, one of the nine victims of the Bloody Sunday massacre, early this year. This indictment is a small victory for human rights, especially in a climate of impunity,” ayon sa pahayag ni Colmenares.

(Toni Tambong)

The post 17 parak sa binansagang “Bloody Sunday Raids”, kinasuhan ng murder appeared first on News Patrol.



17 parak sa binansagang “Bloody Sunday Raids”, kinasuhan ng murder
Source: Trending Filipino News

Post a Comment

0 Comments