Sen. Hontiveros: Halos P2-M para sa chartered flight ng magkapatid na Dargani, sino ang nagbayad?

(File photo: Magkapatid na Dargani nang arestuhin ng mga tauhan ng Senate sergeant-at-arms kaugnay sa imbestigasyon ng blue ribbon committee)

Aabot sa 37,000 US-dollars o P1.850 million ang ibinayad sa chartered o private plane na sasakyan sana ng magkapatid na Pharmally executives na sina Mohit at Twinkle Dargani palabas ng bansa patungong Kuala Lumpur, Malaysia.

Ito ang sinabi ni Senador Risa Hontiveros, batay na rin sa nakasaad sa dokumento ng Seletar Jet na nakuha ng kanyang opisina.

Ayon pa kay Hontiveros, ito aniya ang totoong presyo ng chartered flight na mula pa sa Singapore at pumunta sa Davao para doon sunduin at saka dadalhin sa Kuala Lumpur, Malaysia ang magkapatid na Dargani.

Ang gusto ngayong malaman ni Hontiveros sa panibagong hearing ng blue ribbon committee sa Biyernes ay kung paano kinaya ng mga Dargani na magbayad ng napakalaking  halaga, na halos 2-milyong piso, para sa isang chartered flight.

Lumilitaw kasi na tila hindi tama ang income tax na binayaran nila.

At kung hindi naman ang mga Dargani ang nagbayad ay mahalaga ring malaman kung sino ang nagbayad para sa kanila?

“If the Darganis were able to pay that amount, which is nearly 2-million pesos for a chartered flight, it looks like the income tax they paid was incorrect. And besides, if they didn’t pay, the question goes, who paid?” tanong ni Hontiveros.

Isa rin sa gustong malaman ni Hontiveros ay kung may kinalaman si Pharmally Pharmaceutical Corp. president Huang Tzu Yen dahil naka-base ito sa Singapore kung saan nanggaling ang private plane.

(Estrella Bueno)

The post Sen. Hontiveros: Halos P2-M para sa chartered flight ng magkapatid na Dargani, sino ang nagbayad? appeared first on News Patrol.



Sen. Hontiveros: Halos P2-M para sa chartered flight ng magkapatid na Dargani, sino ang nagbayad?
Source: Trending Filipino News

Post a Comment

0 Comments