Mga sinehan, nagbukas na; DTI kuntento sa pagpapatupad ng health protocols

(Photo courtesy: PTV via Facebook)

Nagbukas na ang ilang sinehan sa Metro Manila at ilan pang lugar sa bansa nitong Miyerkules, November 10.

Ito ay matapos ibaba sa Alert level 2 ang Metro Manila noong November 5.

Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, kuntento sila sa pagpapatupad ng mga sinehan sa mga health protocols laban sa COVID-19.

“We encourage the viewers na umpisahan na nilang medyo magplano kung kailan sila manonood ng sine, lalo na kung nakikita naman nilang sinusunod ang mga protocol,” ani Castelo sa kanyang pag-iikot sa mga sinehan.

“Alam mo iyong pakiramdam na safe ka sa loob ng sinehan kasi iyong operator o may-ari ng sinehan ay sumusunod doon sa mga protocol,” dagdag pa niya.

Sa pagpila pa lang sa sinehan, kailangang magpakita ang mga manonood ng sine ng vaccination card.

Puwedeng ipakita ito sa pamamagitan ng cellphone na may kasamang ID.

May QR code din para sa health declaration.

Sa loob naman ng mga sinehan, may one meter na pagitan sa mga manonood. Hiwalay din ang entrance at daan papuntang exit.

Puwedeng tanggalin ang face shield habang nanonood pero bawal alisin ang face mask at bawal kumain.

Nagtalaga ang mga sinehan ng mga safety officer para tingnan kung may lumalabag sa safety protocols.

May mga air purifier sa sinehan at nililinis agad ang pasilidad bago ang susunod na palabas.

Nag-inspeksiyon din si Metropolitan Manila Development Authority Chairman Benhur Abalos sa mga sinehan sa isang mall sa Taguig City.

Sa 4 na sinehan ng mall, 2 lang ang binuksan sa publiko at may 45 minuto hanggang 1 oras sa pagitan ng bawat palabas para makapag-disinfect ng sinehan.

Kasama sa mga mall na nagbukas ulit ng mga sinehan nitong Miyerkules ay ang Eastwood, Gateway, Glorietta, Greenhills, Lucky Chinatown, Powerplant Mall, Trinoma, Vista Malls at Starmalls.

Sa Iloilo, nagbukas na rin ang ilang sinehan pero 30 porsyento lang ang kapasidad.

(NP)

The post Mga sinehan, nagbukas na; DTI kuntento sa pagpapatupad ng health protocols appeared first on News Patrol.



Mga sinehan, nagbukas na; DTI kuntento sa pagpapatupad ng health protocols
Source: Trending Filipino News

Post a Comment

0 Comments