Isang dating opisyal ng Malacanang ang isa sa apat na abogado ng magkapatid na Mohit at Twinkle Dargani, ang mga opisyal ng Pharmally na naaresto ng Office of the sergeant at arms ng senado kamakailan lang.
Ang nasabing abogado ay kinilalang si Atty. Daryl Ritchie Valles na noong una ay itinanggi pa na dati siyang konektado sa Malacanang.
Inamin naman niya na siya ay taga-Davao.
Nag-abiso ang magkapatid na Dargani na may apat silang abogado na tutulong sa kanila sa pagharap sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ang apat na abogado ay sina Atty. Valles, Atty. Roy Kapunan, Atty. Demitri Felix at isang hindi pa pinangalanan.
Samantala, nagtataka naman si Blue Ribbon Committee Chairman senator Richard Gordon kung bakit kailangang magkunwari o itanggi ni Atty. Valles, ang abogadong bumisita sa magkapaitd na Dargani, na siya ang nasa directory ng Office of the President.
Ayon kay senator Gordon, kahapon ay pumunta sa senado ang nagpakilalang Atty. Daryl Ritchie Valles kung saan humingi siya ng permiso na mabisita ang magkapatid na Dargani dahil abogado daw siya ng mga ito.
Bago pinayagang makabisita, inalam muna ng Blue Ribbon Committee kung sino itong si Atty. Valles at lumitaw sa directory na siya ay Director IV sa Office of the Special Assistant to the President o SAP, ang posisyon na dating okupado ni senator Christopher Bong Go.
Nang tanungin ng Senate Sergeant at Arms si Atty. Valles kung siya nga ang nasa directory ng office of the President, itinanggi nito na taga-Malacanang siya bagama’t inamin na taga-Davao siya.
Ayon kay Gordon, matapos ang pagbisita muling tinanong si Atty. Valles ng OSAA kung siya yung taga-Malacanang, umamin na umano ito pero iginiit na nagbitiw na siya sa puwesto noong February.
Kwestyon ni Gordon, bakit kailangang itago noong una ni Atty. Valles ang mahalagang impormasyon ukol sa kanya.
Ayon pa kay Gordon, ang pagtatangka aniya na itago ang naturang impormasyon ay nagdulot ng mas maraming katanungan.
(Estrella Bueno)
The post Dating opisyal ng Malakanyang, isa sa abogado ng magkapatid na Dargani appeared first on News Patrol.
Dating opisyal ng Malakanyang, isa sa abogado ng magkapatid na Dargani
Source: Trending Filipino News
0 Comments