Sen. Drilon, kinuwestiyon ang pagpapakostudiya ni Krizle Mago ng Pharmally sa Kamara

Nagtataka ang ilang mga senador kung bakit mas napili ni Pharmally official at regulatory affairs head Krizle Mago na magpakostudiya sa Kamara sa halip na sa Senado o sa National Bureau of Investigation.

Matatandaang inanunsiyo ni Mago na inilagay siya sa protective custody ng Kamara ilang araw matapos umano siyang mawalan ng komunikasyon sa mga mambabatas.

Bigla kasing hindi na makontak si Mago pagkatapos ng kanyang pagtestigo sa Senado kaya nag-alala ang mga senador at ipinahanap na siya sa National Bureau of Investigation.

Si Mago ang nagsiwalat matapos aminin na tila niloko ng Pharmally ang gobyerno dahil sa mga pagpapalit ng expiration date ng mga biniling face shield ng gobyerno.

Bagama’t naniniwala si Senador Franklin Drilon na hindi ito makaaapekto sa pagdinig ng Senado ay labis pa rin umano siyang nagtataka sa naging hakbang na ito ni Mago.

“Nakakapagtaka ang paghingi ni Mago ng protective custody sa kamara imbes na sa NBI. Kung protective custody ang gusto ni Mago, bakit sa Kamara siya nagpunta? Kusang loob na umamin si Mago tungkol sa tampering ng face shields at hindi pinilit o tinakot ng mga Senador,” sabi ni Drilon.

Naiinis naman si Senador Richard Gordon na siya ring Senate Blue Ribbon Committee Chairman dahil sa paulit-ulit lang na pangako ni Mago na babalik siya sa pagdinig pero hindi naman niya ito tinutupad.

“Nangako siya babalik na siya, a-attend siya…di na naman dumating. Katulad nu’ng isang araw, nangako, magkikita kami pagkatapos ng hearing para madagdagan ‘yung sinabi niya. Tingin ko, kwan na siya eh, nandu’n na siya, pero ngayon ba’t naman siya pupunta sa House? Eh kase raw mabait daw ‘yung House. Mabait naman ako sa kanya, wala naman akong ginagawa sa kanya,” giit ni Gordon.

Matatandaan noong Biyernes, October 1 ay sinabi ni Good Government and Public Accountability Chair DIWA Party-list Rep. Michael Aglipay na nasa kostudiya na ng Kongreso si Mago.

Nagpaliwanag naman si Mago tungkol sa kanyang naging desisyon.

“Presently, I cannot speak freely about the ongoing investigation on the alleged overprice of medical equipment without feeling threatened due to the undue influence and pressure being exerted from various sources,” sabi ni Mago.

Para sa kaniya, makatutulong umano ang protective custody ng Kamara upang makasagot at makapagsalita siya nang malaya sa mga isasagawa pang pagdinig ng Kamara at ng Senado.

(Toni Tambong)

The post Sen. Drilon, kinuwestiyon ang pagpapakostudiya ni Krizle Mago ng Pharmally sa Kamara appeared first on News Patrol.



Sen. Drilon, kinuwestiyon ang pagpapakostudiya ni Krizle Mago ng Pharmally sa Kamara
Source: Trending Filipino News

Post a Comment

0 Comments