Malaki ang tsansa na ibaba sa Alert level 3 ang ipinatutupad na restriction sa Metro Manila, ayon sa Malakanyang.
Ito ay dahil pa rin sa patuloy na pagbaba ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa.
Kapag nangyari ito, mas maraming negosyo at aktibidad ang magbabalik-operasyon na.
Iginiit ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang posibilidad ay kasunod ng ulat na ang reproduction rate ng virus sa Metro Manila ay bumaba sa 0.6 percent, habang ang positivity rate naman ay nasa 13%.
Sabi pa ni Secretary Roque, mula sa datos noong nakaraang araw, ang NCR ay kuwalipikado na para i- downgrade o ibaba ang Alert Level nito.
Kasalukuyang, nasa ilalim ng Alert Level 4 ang NCR hanggang October 15.
“For the first time po in many many months, ang Metro Manila po ay nasa moderate risk and that is also a factor to consider in lowering quarantine classification,” sabi pa ni Roque.
“I would say it’s a high chance of a lowering of alert level,” dagdag pa niya.
Sinabi pa ni Roque na ang pag-downgrade sa Alert level sa Metro Manila ay mahalaga para mas maraming tao ang makabalik sa kanilang trabaho.
Gayunman, sinabi ni Sec. Roque na depende pa rin ito sa desisyon ng Inter-agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases.
“Meron pong datos na nagpapakita that we can lower quarantine classification. Pero kasi nga po, ang eksperimento natin sa Metro Manila is a pilot, kinakailangan pag-aralan muna ang resulta ng pilot,” sabi pa niya.
“I would say po that the data supports a reduction of the alert level but that’s ultimately the decision of the IATF. Abangan na lang po natin,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Sa ilalim ng Alert Level 3, pinapayagan na ang intrazonal at interzonal travel, maliban na lamang kung kasama sa “reasonable restrictions” gaya ng edad at comorbidities na tinutukoy ng local government units (LGUs).
Ang mga individual outdoor exercises ay papayagan sa lahat ng edad kahit pa ito’y may comorbidities o anuman ang vaccination status.
Mas maraming establisimyento at aktibidad naman ang papayagan na mag- operate na may maximum na 30% capacity.
(Toni Tambong)
The post Metro Manila, malaki ang tsansang ibaba sa Alert Level 3 appeared first on News Patrol.
Metro Manila, malaki ang tsansang ibaba sa Alert Level 3
Source: Trending Filipino News
0 Comments