Cebu City mayor Rama, hindi susundin ang IATF sa pagsasara ng sementeryo sa Undas

(Photo Courtesy: PNA file photo: Acting Mayor Michael Rama )

Hindi susundin ni Acting Mayor Michael Rama ang utos ng Inter-Agency Task Force (IATF) na isara ang mga sementeryo sa October 29 hanggang November 2.

“Hindi kami makikipag-away (sa IATF) pero mas pinili naming hindi sumunod,” ayon kay Rama na pinatutungkulan ang pagsasara ng mga sementeryo sa isang press conference.

Nauna nang iniatas ni Rama ang pagbubukas ng mga sementeryo simula October 18 hanggang November 5.

Pagsapit naman ng November 1 at 2 ay tanging mga kumpletong bakunado lang ang papayagang makapasok sa mga sementeryo.

Giit ni Rama, wala namang masama kung aayon sa kanya ang IATF ukol sa pagbubukas ng mga sementeryo sa Undas para sa mga kumpletong bakunado.

Dagdag pa niya na ginawa ng syudad ang lahat ng mga kinakailangang preparasyon para sa All Souls’ Day at All Saints’ Day.

“I will tell them to understand and to respect what we already have planned because we planned this long ago, brainstorming it for quite a time. They should know what the word called respect is” sabi pa ni Rama.

Samantala, sinabi naman ni Governor Gwen Garcia na ipauubaya na niya sa mga Local government unit ang tungkol sa mga regulasyon na ipatutupad sa darating na Undas.

Matatandaang inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases ang rekomendasyon na isara ang mga simula October 29 hanggang November 2 para maiwasan ang mass gatherings na maaring maging super spreader event.

(Toni Tambong)

The post Cebu City mayor Rama, hindi susundin ang IATF sa pagsasara ng sementeryo sa Undas appeared first on News Patrol.



Cebu City mayor Rama, hindi susundin ang IATF sa pagsasara ng sementeryo sa Undas
Source: Trending Filipino News

Post a Comment

0 Comments