Sinita ni Vice President Leni Robredo ang umanoy misplaced priority ng administrasyon pagdating sa 2022 proposed national budget.
Partikular na kinwestyon ni Robredo ang paglalaan ng mas malaking pondo ng gobyerno sa ‘Build, Build, Build’ program.
Sa lingguhang radio show ni Robredo, ipinahayag niya na naiintindihan naman niya na kailangan pabilisin ang infrastructure development sa bansa, pero mas napapanahon na pagtuunan ng pansin ang COVID-19 response.
Ayon pa sa bise president, kung magtatagumpay ang Pilipinas sa pagkontrol ng virus ay doon pwede nang isagad ng gobyerno ang kampanya para sa mga massive infrastructure program.
“Kahit magkano ipasok mong pera sa DPWH (Department of Public Works and Highways), kung magkasakit at mamatay ang mga tao, wala rin,” giit ni Robredo.
“Kung ganito kataas ang kaso, tapos ‘yan ang binibigyan mo ng priority, parang mali,” dagdag pa ng bise presidente.
Sa susunod na taon, inihirit ng gobyerno ang pagkakaroon ng pondo ng DPWH na ₱686.1 billion, habang ₱19.68 billion budget lang ang inilaan sa Department of Health, malayo sa ₱73.99 billion halaga ng COVID-19 response funds na inihihirit ng kagawaran.
Samantala, kinuwestyon din ni Robredo ang pagbawi ni Pangulong Duterte sa travel restrictions sa 10 bansa na epektibo ngayong araw, Lunes, September 6.
Dahil diyan, papayagang muli ng gobyerno na makapasok sa bansa ang mga dayuhang manggagaling sa India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates, Oman, Thailand, Malaysia, at Indonesia.
Ipinatupad ang travel ban sa mga bansang ito dahil na rin sa pag-iingat kontra COVID-19.
“Sana ang policy ay data driven. Hindi ko alam bakit magtatanggal tayo ng restriction kung ang taas-taas ng kaso natin,” giit ni Robredo.
Ipinaalala pa ng bise president na lumala umano ang COVID-19 sa bansa matapos na hindi agad nagpatupad ng travel ban ang Pilipinas laban sa China nang magsimula ang pandemya.
(Toni Tambong)
The post MAS MALAKING PONDO SA IMPRASTRAKTURA KAYSA HEALTHCARE SYSTEM SA 2022 PROPOSED BUDGET, SINITA NI VP ROBREDO appeared first on News Patrol.
Source: News Patrol PH
0 Comments