Nagtalaga ang Philippine National Police (PNP) ng mahigit 4,000 tauhan sa iba’t-ibang panig ng Metro Manila ngayong araw (March 25) kaugnay ng pagsisimula ng local campaign period.
Sa programang Laging Handa, ibinahagi ni Public Information Office chief PLtCol. Jenny Tecson ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mahigpit na pagbabantay ng kapulisan mula sa seguridad hanggang sa trapiko upang mapanatili ang kaayusan sa nalalapit na kampanya.
Nagsagawa rin ang NCPRO ng reshuffling para maiwasan ang “conflict of interest” sa bawat kawani na may kamag-anak mula sa mga tatakbong kandidato.
“Ang paalala po namin Sir sa ating mga kababayan ay maging responsable po tayo sa bawat isa, huwag po tayong magkampante, lalo na ‘yung hindi pagsusuot ng face mask o hindi pagsunod sa minimum public [health] standards ay nakaka… nagpapahirap sa atin. Hindi po dapat rason na maging complacent tayo dahil sa patuloy na pagbaba ng datos dito sa ating pandemiya, ‘yung COVID-19 po,” ani Tecson.
“At siyempre po, sa part naman po ng ating mga kandidato, dapat maging responsable din sila. I-check po nila ang kanilang supporters, sila po dapat ang nangunguna na tsine-check nila kung paano ‘yung maging actuations ng kanilang mga kasamahan po,” dugtong nito.
Sa kabila ng mga hakbang para sa nalalapit na eleksiyon, tiniyak pa rin ng ahensiya na patuloy ang kanilang operasyon sa pagsugpo ng mga krimen at masasamang gawain. – Report from Mela Lesmoras/VC-ag
0 Comments