Mapapanis na donasyong COVID vax, hindi na tatanggapin ng bansa

Hindi na tatanggapin ng pamahalaan ang mga donasyon ng COVID-19 vaccine na malapit nang mapanis o ma-expire.

Ayon ito kay acting Presidential spokesperson Karlo Nograles kung saan sa kasalukuyan ay nakabuo na umano ng batayan at panuntunan ang pamahalaan kaugnay ng pagtanggap ng mga donasyong bakuna.

Dagdag pa ni Nograles, nakikipag-ugnayan na si National Task Force chief Secretary Carlito Galvez Jr. sa mga vaccine manufacturers kaugnay ng expiration dates.

“Isa pang sinabi ni Sec. Charlie, iyong pakikipag-ugnayan din sa mga donations na dapat maglagay din po tayo, pag dino-donate sa atin, dapat we have to emphasize na iyong idu-donate huwag iyong near expiry,” ani Nograles sa panayam sa radyo.

“Bagama’t nagpapasalamat tayo sa lahat ng mga nagdu-donate ‘no, but the reality on the ground also is we also do not want to have masyadong sobrang dami ng supply na palapit na iyong expiration. Iyong pressure mapupunta sa atin,” dagdag pa ni Nograles.

Bagama’t maaaring palawigin pa ng bahagya ang shelf-life ng COVID vaccine, hindi umano lahat ng brands ay posible para rito.

“Nagsalita na si Secretary Charlie Galvez at iyong mga miyembro ng vaccine cluster na there are some vaccines na bagama’t sinasabi ang expiry date ay ganito based doon sa pag-assess nila together with the manufacturer and based sa mga experts ay magagamit pa rin naman po. At mayroon tayong papeles at dokumento na nagsasabi na may permiso naman po na puwedeng gamitin iyan,” saad pa ni Nograles.

Dahil dito, titiyakin umano ng pamahalaan na magagamit na kaagad ang mga bakuna bago pa man ito ma-expire.

“Ginagawa natin ang lahat para lahat ng mayroon tayong supply, first in, first out iyan para hindi tumama doon sa expiration date. Of course, we’re very mindful doon sa expiration date na kailangan iyon ang unahin.”

(Toni Tambong)

The post Mapapanis na donasyong COVID vax, hindi na tatanggapin ng bansa appeared first on News Patrol.



Mapapanis na donasyong COVID vax, hindi na tatanggapin ng bansa
Source: Trending Filipino News

Post a Comment

0 Comments