(Photo courtesy: Manila Police District)
Higit limang milyong pisong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska habang apat na suspek ang inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa buy bust operation sa Tondo, Manila.
Nakumpiska ang 800 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P5,440,000.00.
Sa ulat ng tangapan ni MPD District Director Leo Francisco, nadakip ang mga suspek na sina Jose Dantes Raymundo, 44 anyos, Robert Justiniani, 30 anyos, Malyn Alexisse, 25 anyos, at Romel Ortilano, 28 anyos.

Dakong alas 1:00 ng hapon nang magsagawa ng buy bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit ng MPD Station-7 sa tabi ng Centroil Gas Station sa Juan Luna at Herbosa Street sa Tondo.

Nakumpiska sa kanila ang apat na malaking pakete at apat na maliliit na pakete na may lamang 800 gramo ng umano’y shabu.
Narekober din sa mga suspek ang dalawang libong piso at 38 pirasong boodle money na ginamit ng mga operatiba sa buy bust.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na kasalukuyang nakakulong sa MPD Station-7.
Nakatakdang isalang sa inquest procedure sa Manila Prosecutors Office ang mga suspek.
(Jocelyn Domenden/Mores Heramis)
The post Higit P5.4 milyong halaga ng shabu nakumpiska sa Tondo; 4 arestado appeared first on News Patrol.
Higit P5.4 milyong halaga ng shabu nakumpiska sa Tondo; 4 arestado
Source: Trending Filipino News
0 Comments