(Photo courtesy: Philippine Embassy in Germany)
Ginawaran ng prestihiyosong award na Green Talents International Forum for High Potentials in Sustainable Development sa Germany ang isang Filipino scientist mula Mindanao.
Ayon sa Department of Foreign (DFA), kabilang si Dr. Chosel Lawagon sa 25 awardees na pinili ng panel ng German experts na sinalihan ng 467 aplikante mula sa 78 mga bansa.
Si Lawagon ay director sa Center for Green Nanotechnology Innovations for Environmental Solutions sa University of Mindanao (UM).
Nakatutok siya sa upcycling ng basura sa pamamagitan ng nanotechnology para makagawa ng mga materyales na ginagamit sa infrastructure.
Kabilang dito ang paggawa ng smart concrete na tumutugon sa pangangailangang gawing mas matatag ang mga gusali laban sa lindol.
Sinuportahan ng Department of Science and Technology (DOST) ang proyekto ni Lawagon.
Ang pangalawa niyang research project ay may kinalaman sa paggamit ng nanomaterials mula sa agricultural at plastic waste.
May potensyal ito na maging mas murang renewable energy alternative sa solar panels.
Katulong naman ang UM College of Engineering at College of Arts and Sciences sa proyekto.
Nagsasagawa rin si Lawagon ng pananaliksik sa epekto ng landfill leachate sa kalapit na ilog sa Davao City.
Bilang Green Talents awardee, lumahok si Lawagon sa virtual Green Talents Science Forum na nagbigay sa kanya at mga kapwa awardees ng pananaw sa sustainability research landscape ng Germany at ng oportunidad na makipagtulungan sa German researchers.
Kaugnay nito, sa susunod na taon ay bibiyahe patungong Germany si Lawagon para sa tatlong buwang research sa napili niyang German partner institution.
(Toni Tambong)
The post Mindanaoan scientist ginawaran ng Green Talents Award sa Germany appeared first on News Patrol.
Mindanaoan scientist ginawaran ng Green Talents Award sa Germany
Source: Trending Filipino News
0 Comments